bakit kailangan mo mapag-isa

Wednesday, June 24, 2015


Kailangan mo subukang mag-isa kasi hindi mo alam kung paano.
Nakakatawang isipin na ilang taon na ang nakakalipas nung huli kang
makahawak ng kamay ng iba.
Ilang taon na ang nakalipas mula ng huli kang sumaya.
Ilang taon na pero hindi ka pa rin sanay mag-isa.
Kailangan mo mag-isa kasi nasasanay ka na ng may kasama.
Gugustuhin mo pa rin kahit sa huli alam mong hindi tama. 
Pag nandyan siya, para kang hinehele ng mundo sa pagtulog mo.
Mahimbing. Para bang ang bukas mo ay sigurado.
Pero kapag wala siya, para kang bata na nawawala.
Iiyak sa isang sulok. Naghihintay na may dumating para kunin ka.
Kailangan mo mag-isa kasi nasasanay ka na sa kanya.
Kung sino man siya, hindi ka dapat nasasanay sa mga bagay na nawawala.
Oo palagi siyang nandyan, pero hindi mo dapat kalimutan
May mga taong nagigising na lang isang araw na wala ng nararamdaman.
Kailangan mo mapag-isa dahil sa dami ng nakasanayan mo.
Na kahit anong gawin mo, hinahanap hanap mo.
Nasasanay ka na sa tuwing umaga, may sasalubong sayo na ngiti.
Nasasanay ka na sa tuwing malungkot ka, may magtatanong ng
“Okay ka lang ba? Bakit hindi?”
Nasasanay ka sa mga magagandang bagay,
Na hindi mo kinakaya ang biglaang lumbay.
Dapat kang matutong mag-isa kasi hindi sa lahat ng oras may makakasama ka.
May darating na bago, papalitan niya ang luma.
Pero walang kasiguraduhan na kahit pagtanda nyo, hindi ka na ulit magiisa.
Sasabihin niya sayo ang lahat ng gusto mong marinig,
Wag kang magkakamali kasi yun din naman ang kanyang iniibig,
Pero lagi mong iisipin na may  mga pangakong hanggang salita na lang,
May mga magagandang bagay na natatapos sa isang mahabang patlang.
Kailangan mo ng konting pag-iisa
Kasi pagod ka na sa lungkot, saya, lungkot, saya.
Ang pag-iisa ay para rin isang maikling pahinga,
Hayaan mo munang ang puso at isip mo ay makahinga.
Kailangan mo mapag-isa kasi pagod ka na sa laro.
Kasi hindi lahat ng paligsahan sa pag-ibig dapat salihan mo.
Tigilan mo muna ang makipaghabulan,
O ang nakakapagod na taguan ng nararamdaman.
Tandaan na kung may kailangan kang habulin yun ay pangmatagalang ligaya,
At hindi mo makukuha yun kung palaging ikaw ang natataya.
Hindi ko sinasabing dapat mag-isa ka,
Lahat tayo ibibigay ang lahat para may makasama.
Ang akin lang, dapat mong maintindihan
Na kapag natutunan mo kung paano ang mag-isa,
Hindi mo na kakailanganin ang iba para maging tunay na masaya.

You Might Also Like

0 comments